Ang Aking Ina

Nakakatuwang isipin na sa maraming panahon na kasama ko ang aking ina marami pa rin akong mga bagay na natutunan sa kanya sa pagiging isang “ina”. Pero nung bata pa ako hindi ko nakikita at nare-realize ang kanyang mga sakripisyo dahil siguro yun sa galit at inis ko sa aking ama. Hindi kami mayaman pero matiyaga at masipag sa negosyo si nanay, nun time na yun wala pa kaming ilaw sa lugar namin, kahoy ang aming ginagamit pangluto ng pagkain, nagpupunta siya sa tambakan ng basura para mangahoy at para sa pagkain ng aming mga alagang baboy.Sadyang hindi matatawaran ang kanyang pagsisikap.

Namatay ang aming ama taong 1999, pero naging matatag siya bilang isang ina upang itaguyod kaming magkakapatid kahit nahihirapan pinili niyang hindi mag-asawa na kung tutuusin ay makakatuwang niya sana sa buhay, lalo na at nagsisi-pagaral kami nung mga panahon na yun. Lahat na siguro ng ititinda ay naibenta na niya sa aming mga kapitbahay para lang kumita. Subalit dumating ang panahon na ginusto niyang iwanan kami dahil sa hindi kami nagiging masunuring mga anak sa kanya pero umiral pa rin sa kanya ang pagiging isang ina.

Nagsarili ang dalawa kong mga kapatid ang ikalawa at ikatlo, pero si nanay kahit nasa malayo silang lugar ay walang sawang nanalangin sa Diyos na ingatan at pagpalain sila.
Hanggang sa pangyayaring hindi maiiwasan nakapag-asawa ang aking ikalawa at ika-apat na kapatid na lalaki. Sa mga oras na hindi nagkakasundo ang mag-asawa siya ang namamagitan at kapag may sakit ang mga apo siya ang nag-aalaga at nanalangin na sila ay gumaling. Hindi natatapos ang pagiging isang ina niya kahit sila ay may mga asawa na.

Sa ngayon may kapatid pa akong nag-aaral hindi pa rin siya humihinto na magsumikap para kumita, siya pa rin ang nag-lalaba ng damit namin dahil sa nanghihinayang sa sabon. Kahit na minsan ay dumadaing na sa kanyang rayuma sa kamay at pananakit ng likod patuloy pa rin siya. Mahirap para sa akin na hindi ko maipadama sa kanya ang kaginhawaan ng buhay,dahil alam kong sa pamamagitan ng pagtulong ko sa kanya sa pinansyal maipapakita ko ang pagpapasalamat ko sa kanya sa mga sakripisyong ginawa niya para sa aming magkakapatid.

Yun tipong kapag may hiningi siya sa’yo maluwag mong maibibigay katulad ng pambayad ng mga bills at pangtuition ng kapatid ko, siguro kung hindi siya nagsumikap hindi ako nakapagtapos kahit high school,kung naging pabaya siyang magulang nasaan kaya kami ngayon. Salamat sa Panginoon dahil siya ang aming naging magulang na nagdala sa amin ng 9 na buwan sa kanyang sinapupunan, at nagsilang sa amin sa mundong ito. Isang mabuting anak din siya sa kanyang magulang, nag-alaga sa aking mga lola at lolo sila ang dahilan kaya nangibang bansa siya upang ipagamot ang aking lolo na may sakit.

May mga pagkakamali man siya sa amin wala kaming karapatan na hindi siya igalang bilang magulang, ang kanyang mga sakripisyo ang nagpapakita na mahal niya kaming mga anak niya sa kabila ng lahat. Kaya ang aking panalangin patuloy siyang bigyan ng kalakasan, malusog na pangagatawan at patuloy na maging pagpapala sa iba.

Umaasa ako sa Diyos na lumikha sa atin iingatan niya palagi ang aking mahal na ina, patatagin pa sa mga pagsubok na dumarating. Dahil alam kong ang ating Panginoon na magulang nating lahat ay hindi nagpapabaya sa kanyang mga anak na sumusunod sa kalooban Niya.