Si Tuwaang at ang Dalaga ng Buhong na Langit

Si Tuwaang at ang Dalaga ng Buhong na Langit

 

Sa Kaharian ng Kuaman, may isang lalaking nagngangalang Tuwaang. Tinawag niya ang kaniyang kapatid na si Bai.
Lumapit si Bai, at ito ay nagdala ng nganga. Ang magkapatid ay ngumuya ng nganga. Sinabi ni Tuwaang na may dalang mensahe ang hangin na pinapapunta siya sa kaharian ni Batooy, isang bayani sapagkat may dalagang dumating sa kaharian ngunit hindi siya nakikipag-usap sa mga kalalakihan doon, kaya pinatawag ng isa sa mga kalalakihan ang hangin para ipatawag si Tuwaang.
Hindi pumayag si Bai sa gagawing paglalakbay ni Tuwaang. Kinakabahan si Bai sa maaaring mangyayaring masama kay Tuwaang. Pero hindi nakinig si Tuwaang sa sinabi ni Bai. Agad-agad na naghanda si Tuwaang at isinuot ang kanyang mga armas. Kinuha niya ang kaniyang sibat at kalasag at tinawag ang kidlat upang dalhin siya sa lugar ng Pinanggayungan.
Pagkarating doon ay bumisita siya sa bahay ng Binata ng Pangavukad. Sinamahan siya ng binata ng Pangavukad sa kaniyang paglalakbay.
Sila’y nakarating sa tahanan ni Batooy. Humiga si Tuwaang sa tabi ng dalagang nagbalita sa kaniya at kaagad na nakatulog. Bumunot ang dalaga ng isang buhok ni Tuwaang na nakalawit. Nagsalita ang dalaga at nakilala na nila ang isa’t isa.
Ang dalaga ay ang Dalaga ng Buhong na Langit. Tumakas siya at nagtatago mula sa Binata ng Pangumanon, isang higante na may palamuti sa ulo na abot ang mga ulap. Gusto siyang pakasalan ng binata ngunit tinanggihan niya ang alok.
Nagalit ang binata at sinunog ang bayan ng dalaga. Sinundan niya ang dalaga saan man siya mapadpad at sinunog niya ang mga bayan na pinagtataguan ng dalaga, kaya naghanap ang dalaga ng pagtataguan sa mundong ito.
Pagkatapos magkuwento ang dalaga kay Tuwaang, dumating bigla ang Binata ng Pangumanon, balot ng apoy, at pinagpapatay niya ang mga tao sa kaharian ni Batooy.
Naglaban si Tuwaang at ang Binata ng Pangumanon gamit ang kanilang mga sandata. Ngunit magkasinlakas silang dalawa, at nasira ang kanilang mga sandata. Tinawag ng Binata ng Pangumanon ang kaniyang patung, isang mahabang bakal. Ito’y kaniyang ibinato at pumulupot kay Tuwaang. Lumiyab ito ngunit itinaas ni Tuwaang ang kaniyang kanang bisig at namatay ang apoy. Tinawag ni Tuwaang ang kaniyang patung at ibinato sa binata. Lumiyab ito at namatay ang binata. Pagkatapos ng labanan ay binuhay niya ang mga namatay na tauhan gamit ng kaniyang laway. Dinala niya ang dalaga sa kaniyang bayan sakay ng kidlat.
Ikinuwento ng Gungutan na nakita niya sa kaniyang panginip na darating si Tuwaang sa Kawkawangan. Inalok naman ni Tuwaang ang Gungutan na sumama sa paglalakbay niya; tinanggap naman ito ng Gungutan. Tumuloy na sila sa paglalakbay.
Nakarating si Tuwaang at ang Gungutan sa kasal. Dumating ang Binata ng Panayangan, na nakaupo sa gintong salumpuwit, ang Binata ng Liwanon, ang Binata ng Pagsikat ng Araw, at ang Binata ng Sakadna, ang ikakasal na lalaki, at kaniyang 100 pang tagasunod. Nakiusap ang Binata ng Sakadna na linisin ang mga kalat sa kasal (o mga hindi imbitado/kailangang bisita) ngunit sinagot naman siya ni Tuwaang na may pulang dahon (mga bayani) sa okasyon.
Nagsimula ang mga unang seremonya ng kasal. Binayaran ng mga kamag-anak ang mga savakan (mga bagay para sa babaeng ikakasal at mga nakabalot na pagkain na inaalay ng mga kamag-anak ng lalaking ikakasal) ng babaeng ikakasal, hanggang may naiwang dalawang hindi mabayaran. Umamin ang Binata ng Sakadna na hindi niya kayang bayaran ang dalawang bagay, pero tinulungan siya ni Tuwaang gamit ng paglikha ng isang sinaunang gong bilang kapalit sa unang bagay at gintong gitara at gintong bansi (o gintong plawta) sa pangalawang bagay.
Lumabas ang Dalaga ng Monawon, ang dalagang ikakasal para magbigay ng nganga sa lahat ng bisita. Pagkatapos niyang bigyan ang lahat ng panauhin ng nganga, umupo siya sa tabi ni Tuwaang. Nagalit ang Binata ng Sakadna. Hinamon ng binata si Tuwaang sa labas ng bahay. Ang Gungutan, samantala ay nakapatay na ng mga kasama ng binata hanggang sa anim na lang ang natira. Nagkipaglaban ang dalawa sa anim na kalaban hanggang ang natira na lamang ay si Tuwaang at ang Binata ng Sakadna.
Binato nang napakalakas ni Tuwaang ang binata at lumubog siya sa lupa at nakita niya ang isa sa mga tagapagbantay ng mundong ilalim. Bumalik agad sa mundo ang binata at itinapon naman si Tuwaang sa mundong ilalim, kung saan nakita rin ang tagapagbantay rito. Nalaman ni Tuwaang ang kahinaan ng binata, at pagkalabas niya roon, kinuha ang gintong plawta na nagtataglay ng buhay ng binata. Dahil mas ginusto ng binata na mamatay kaysa mapabilang sa kampon ni Tuwaang, sinira ni Tuwaang ang plawta at ang binata ay unti-unting namatay.
Inuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman kung saan siya ay naghari habambuhay.

 

SI LINGGIT LABAN KAY BARAKUDA by Tom F. Agulto & Rene O. Villanueva

Masayang masayang naninirahan sa batuhan sa ilalim ng dagat si Linggit at ang kanyang mga kaibigan.

Napakaganda ng lugar na ito. Punung puno ng kulay at mga natatagong yaman.

Masayang masaya si Linggit sapagkat maganda ang tinitirhan niya.

Masaya rin siyang nakikipaglaro sa kanyang mga kaibigan ng walang anumang iniisip na takot sa panganib.

Ngunit isang araw, ano na lamang ang gulat at takot nila ng biglang sumulpot ang isang napakalaking isda. “Ngasab, ngasab, ngasab. Nguya, nguya, nguya,” wika ni Barakuda.

Walang awang kinain ni Barakuda ang mga maliliit na isda. Hindi pa ito nakuntento at sinira niya pa ang mga tirahan nito.

Dahil sa nangyari, nag-isip ng paraan si Linggit at ang kanyang mga kaibigan upang matalo ang napakasamang si Barakuda.

Nang maisip ang solusyon, agad agad nila itong ibinahagi sa iba at saka hinintay ang pagdating ni Barakuda.

Nanibago si Barakuda nang makarating ito sa batuhan dahil napakatahimik nito at walang sinuman ang naroon. Laking gulat niya ng biglang dumating ang isang malaking isda na di hamak na mas malaki kaysa kanya na namumula pa ang mata. “Ngasab, ngasab, ngasab. Nguya, nguya, nguya,” ani nito. Dahil sa takot agad agad na lumangoy papalayo si Barakuda at di na bumalik kailan pa man. Naging masaya na ulit sina Linggit at ang kanilang lugar. Wala nang Barakudang manggugulo sa kanila.

 

“Alamat ng Mina ng Ginto”

“Alamat ng Minang Ginto”

Sa isang nayon sa Baguio na kung tawagin ay Suyuk, naninirahan ang mga Igorot na pinamumunuan ni Kunto. Si Kunto ay bata pa ngunit siya ang pinakama-lakas at pinakamatapang sa kanilang nayon kaya siya ang ginawang puno ng matatandang pantas. Ang mga naninirahan sa nayong ito ay namumuhay nang tahimik . Maibigin sila sa kapwa at may takot sila sa kanilang bathala. Taun-taon ay nagdaraos sila ng caᾗao bilang parangal sa kanilang mga anito. Noong panahong iyon, ang mga Igorot ay naniniwala sa iba’t ibang anito. Kung nagdaraos sila ng caᾗao ay lingguhan ang kanilang handa. Nagpapatay sila ng baboy na iniaalay sa kanilang bathala. Nagsasayawan at nagkakantahan sila. Isang araw ay nagtungo si Kunto sa gubat upang mamana. Hindi pa siya lubhang nakalalayo nang nakakita siya ng isang uwak. Nakatayo ito sa isang landas na kanyang tinutunton. Karaniwang ang mga ibon sa gubat ay maiilap ngunit ang ibong ito ay kaiba. Lumakad si Kunto palapit sa ibon ngunit hindi ito tuminag sa pagkakatayo sa gitna ng landas. Nang may iisang dipa na lamang siya mula sa ibon, bigla siyang napatigil. Tinitigan siyang mainam ng ibon at saka tumango nang tatlong ulit bago lumipad. Matagal na natigilan si Kunto . Bagamat siya’y malakas at matapang, sinagilahan siya ng takot. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita. Hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pamamana. Siya’y bumalik sa nayon at nakipagkita sa matatandang pantas. Anang isang matanda, “ Marahil ang ibong iyon ay ang sugo ng ating bathala. Ipinaaalaala sa atin na dapat tayong magdaos ng caᾗao.” Kung gayon, ngayon din ay magdaraos tayo ng caᾗao,” ang pasiya ni Kunto. Ipinagbigay-alam sa lahat ang caᾗao na gagawin. Lahat ng mamamayan ay kumilos upang ipagdiwang ito sa isang altar sa isang bundok-bundukan. Ang mga babae naman ay naghanda ng masasarap na pagkain. Nang ang lahat ay nakahanda na, ang mga lalaki ay humuli ng isang baboy. Ang baboy na ito ay siyang iaalay sa kanilang bathala upang mapawi ang galit, kung ito man ay nagagalit sa kanila. Inilagay ang baboy sa altar na ginawa nila sa itaas ng bundok-bundukan. Anong laking himala ang nangyari! Nakita nilang ang baboy ay napalitan ng isang pagkatanda-tandang lalaki! Ang mukha ay kulay- lupa na sa katandaan at halos hindi na siya makaupo sa kahinaan.Ang mga tao ay natigilan. Nanlaki ang mga mata sa kanilang nakita. Sila’y natakot. Maya-maya’y nagsalita ang matanda at nagwika nang ganito: “Mga anak magsilapit kayo. Huwag kayong matakot. Dahil sa kayo’y mabuti at may loob sa inyong bathala, gagantimpalaan ko ang inyong kabutihan. Lamang ay sundin ninyo ang lahat ng aking ipagbilin. “Kumuha kayo ng isang tasang kanin at ilagay ninyo rito sa aking tabi. Pagkatapos sukluban ninyo ako ng isang malaking palayok. Ipagpatuloy ninyo ang inyong caᾗao. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik kayo rito sa pook na ito. Makikita niyo ang isang punungkahoy, na kahit minsan sa buhay ninyo ay hindi pa ninyo nakikita o makikita magpakailanman. Ang bunga,dahon, at sanga ay maaari ninyong kunin ngunit ang katawan ay huwag ninyong gagalawin. Huwag na huwag ninyong tatagain ang katawan nito.” Tinupad naman ng mga tao ang ipinagbilin ng matanda.Ipinagpatuloy nila ang kanilang pista. Pagkaraan ng tatlong araw, bumalik sila sa pook na pinag-iwanan sa matanda. Itinaas nila ang palayok at gaya ng sinabi ng matanda, nakita nila ang isang punungkahoy na maliit. Kumikislap ito sa liwanag ng araw-lantay na ginto mula sa ugat hanggang sa kaliit-liitang dahon. Nagsigawan ang mga tao sa laki ng galak. Si Kunto ang kauna-unahang lumapit sa punungkahoy at pumitas ng isang dahon. Pagkapitas sa dahon ay nagkaroon kaagad ng kapalit ito kayat nag-ibayo ang tuwa sa mga tao. Bawat isa ay pumitas ng dahon. Sa loob ng maikling panahon, yumaman ang mga taga-Suyuk.Ang dati nilang matahimik na pamumuhay ay napalitan ng pag-iimbutan at inggitan. Ang punungkahoy naman ay patuloy sa pagtaas hanggang sa ang mga dulo nito’y hindi na maabot ng tingin ng mga tao. Isang araw, anang isang mamamayan, “kay taas-taas na at hindi na natin maabot ang bunga o dahon ng punong-ginto. Mabuti pa ay pagputul-putulin na natin ang mga sanga at dahon nito. Ang puno ay paghahati-hatian natin.” Kinuha ng mga lalaki ang kanilang mga itak at palakol. Ang iba ay kumuha ng mga sibat. Tinaga nila nang tinaga ang puno at binungkal ang lupa upang lumuwag ang mga ugat.Nang malapit nang mabuwal ang punungkahoy ay kumidlat nang ubod-talim. Kumulog nang ubos-lakas at parang pinagsaklob ang lupa at langit. Ang punungkahoy ay nabuwal. Nayanig ang lupa at bumuka sa lugar na kinabagsakan ng puno. Isang tinig ang narinig ng mga tao. “ Kayo ay binigyan ng gantimpala sa inyong kabutihan. Ang punong-ginto upang maging mariwasa ang inyong pamumuhay. Sa halip na kayo’y higit na mag-ibigan , kasakiman ang naghari sa inyong mga puso. Hindi ninyo sinunod ang aking ipinagbilin na huwag ninyong sasaktan ang puno. Sa tuwi-tuwina ay inyong nanaisin ang gintong iyan.” At pagkasabi ng mga katagang ito, sa harap ng mga tao sa Suyuk, ang puno ay nilulon na ng lupang kinabuwalan. Mula nga noon, nagkaroon na ng minang ginto sa Baguio at nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng paghukay sa lupa.